close
Pumunta sa nilalaman

Kakaw

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Kakaw
Mga bunga sa puno ng kakaw
Pag-uuring siyentipiko edit
Kaharian: Plantae
Klado: Tracheophytes
Klado: Angiosperms
Klado: Eudicots
Klado: Rosids
Orden: Malvales
Pamilya: Malvaceae
Henero: Theobroma
Espesye:
T. cacao
Pangalang dalawahan
Theobroma cacao
Kasingkahulugan[1][2]
  • Cacao mina Gaertn.
  • Cacao minus Gaertn.
  • Cacao sativa Aubl.
  • Cacao theobroma Tussac
  • Theobroma cacao f. leiocarpum (Bernoulli) Ducke
  • Theobroma cacao subsp. leiocarpum (Bernoulli) Cuatrec.
  • Theobroma cacao var. leiocarpum (Bernoulli) Cif.
  • Theobroma cacao subsp. sativa (Aubl.) León
  • Theobroma cacao var. typica Cif.
  • Theobroma caribaea Sweet
  • Theobroma integerrima Stokes
  • Theobroma kalagua De Wild.
  • Theobroma leiocarpum Bernoulli
  • Theobroma pentagonum Bernoulli
  • Theobroma saltzmanniana Bernoulli
  • Theobroma sapidum Pittier
  • Theobroma sativa (Aubl.) Lign. & Le Bey
  • Theobroma sativa var. leucosperma A. Chev.
  • Theobroma sativa var. melanosperma A. Chev.
  • Theobroma sativum (Aubl.) Lign. & Bey
Theobroma cacao

Ang kakaw[3] (Theobroma cacao) ay isang maliit na laging luntiang puno na may taas na 6–12 m (20–39 tal) at kabilang sa pamilyang Malvaceae.[1][4] Ang mga buto nito—na tinatawag na mga butil ng kakaw kapag pinatuyo at binuro—ay ginagamit sa paggawa ng likor ng kakaw, pulbos na kokwa, mantikilyang kokwa, at tsokolate.[5] Bagama't katutubo ang puno sa tropiko ng Kaamerikahan, ang pinakamalaking prodyuser ng mga butil ng kakaw noong 2022 ay Côte d'Ivoire.

Mga katangiang behetatibo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga dahon ng halaman ay salitan, buo, at walang lobo; may haba itong 10–50 cm (4–20 in) at lapad na 5–10 cm (2–4 in).[6]

Ang mga bulaklak ay namumuo nang kumpol direkta sa puno ng kahoy at sa mas matatandang mga sanga; ang katangiang ito ay tinatawag na cauliflory. Ang mga bulaklak ay maliliit, may diyametrong 1–2 cm (381316 in), at may kulay-rosas na takupis. Ang pormulang ploral, na ginagamit upang katawanin ang estruktura ng isang bulaklak sa pamamagitan ng mga simbolo at numero, ay ✶ K5 C5 A(5°+52) G(5).[7]

Bagama't marami sa mga bulaklak sa daigdig ang napopolina ng mga bubuyog (Hymenoptera) o mga paruparo at gamugamo (Lepidoptera), ang mga bulaklak ng kakaw ay napopolina ng maliliit na nangangagat na midge ng henerong Forcipomyia.[8][9] Ang paggamit ng likas na polinisador na Forcipomyia ay nagbunga ng mas maraming bunga kaysa sa paggamit ng mga artipisyal na polinisador.[9]

Mga bulaklak ng kakaw

Ang bunga, na tinatawag na bao ng kakaw, ay hugis-itlog, may habang 15–30 cm (6–12 in) at lapad na 8–10 cm (3–4 in), nagiging dilaw hanggang kahel kapag nahihinog, at tumitimbang ng humigit-kumulang 500 g (1 lb) kapag hinog na. Naglalaman ito ng 20 hanggang 60 buto, na karaniwang tinatawag na "beans", na nakapaloob sa puting laman.

Ang mga buto ang pangunahing sangkap ng tsokolate, samantalang ang laman ay ginagamit sa ilang bansa upang gumawa ng katas, smoothie, helatina, at krema. Dati ay karaniwang itinatapon ang laman, ngunit mula noong ika-21 siglo, ang permentadong laman nito ay maaari nang idistila upang maging inuming may alkohol.[10] Ang laman ay may lasa ng litsiyas o tropikal na milon.[11] Ang bawat buto ay naglalaman ng malaking dami ng taba (40–50%) sa anyo ng mantikilyang kokwa.

Ang aktibong sangkap ng prutas ay ang pampasiglang teobromina, isang kompuwestong kahalintulad ng kapeyna.[12]

Ang henerikong pangalan na Theobroma ay nagmula sa salitang Griyego na nangangahulugang "pagkain ng mga diyos", mula sa θεός (theós), na nangangahulugang "diyos" o "banal", at βρῶμα (brôma), na nangangahulugang "pagkain". Ang tiyak na epitetong cacao ay ang Hispanisasyon ng pangalang ibinigay sa halaman sa mga katutubong wika ng Mesoamerika, gaya ng kakaw sa Tzeltal, Kʼicheʼ, at Klasikong Maya; kagaw sa Sayula Popoluca; at cacahuatl sa Nahuatl, na nangangahulugang "butil ng puno ng kakaw".[13] Bagama't ang puno at mga buto ay karaniwang tinatawag na kakaw, minsan ay tinutukoy rin ang mga ito bilang 'kokwa'.[14]

Mga binusang butil ng kakaw, handa nang gamitin

Noong 2023, nilinang ang kakaw sa humigit-kumulang 11,650,000 ektarya (28,800,000 akre) sa buong mundo.[15] Ang mga butil ng kakaw ay itinatanim ng malalaking plantasyong agroindustriyal at maliliit na prodyuser, kung saan ang malaking bahagi ng produksiyon ay nagmumula sa milyun-milyong magsasakang may maliliit na lote.[16] Nagsisimulang mamunga ang puno sa edad na apat o limang taon. Ang isang punong nasa hustong gulang ay maaaring magkaroon ng 6,000 bulaklak sa loob ng isang taon, ngunit humigit-kumulang 20 bunga lamang. Tinatayang 1,200 buto (40 bunga) ang kailangan upang makagawa ng 1 kg (2.2 lb) ng pasta ng kakaw . Sa kasaysayan, kinilala ng mga gumagawa ng tsokolate ang tatlong pangunahing pangkat ng mga kultibar ng butil ng kakaw na ginagamit sa paggawa ng kokwa at tsokolate: Forastero, Criollo, at Trinitario.[17] Ang pinakapinahahalagahan, pinakabihira, at pinakamahal ay ang grupong Criollo, ang butil ng kakaw na ginamit ng mga Maya.[18] Sampung porsiyento lamang ng tsokolate ang gawa sa Criollo, na masasabing hindi gaanong mapait at mas mabango kaysa sa alinmang ibang butil. Noong Nobyembre 2000, ang mga butil ng kakaw mula sa Chuao ay ginawaran ng pagtatalagang pinagmulan sa ilalim ng pangalang Cacao de Chuao (mula sa Espanyol: "kakaw ng Chuao").[19][20]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1 2 3 "Theobroma cacao L. Sp. Pl. : 782 (1753)". World Flora Online. World flora Consortium. 2022. Nakuha noong 14 December 2022.
  2. "Mentha canadensis L." Plants of the World Online. Royal Botanic Gardens, Kew. 2022. Nakuha noong 14 Disyembre 2022.
  3. English, Leo James (1977). "Kakaw". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.
  4. "Theobroma cacao". Encyclopedia of Life. Inarkibo mula sa orihinal noong 4 Nobyembre 2012. Nakuha noong 9 Nobyembre 2012.
  5. "Cocoa" [Kokwa] (sa wikang Ingles). Drugs.com. 6 Enero 2020. Inarkibo mula sa orihinal noong 20 Enero 2021. Nakuha noong 3 Setyembre 2020.
  6. "Theobroma cacao, the food of the gods | Barry Callebaut" [Theobroma cacao, ang pagkain ng mga diyos | Barry Callebaut]. www.barry-callebaut.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-04-21.
  7. Ronse De Craene, Louis P. (4 Pebrero 2010). Floral Diagrams: An Aid to Understanding Flower Morphology and Evolution [Mga Diyagramong Pambulaklak: Isang Tulong sa Pag-unawa sa Morpolohiya at Ebolusyon ng Bulaklak] (sa wikang Ingles). Cambridge: Cambridge University Press. p. 224. ISBN 978-0-521-49346-8. Inarkibo mula sa orihinal noong 28 Abril 2021. Nakuha noong 16 Setyembre 2017.
  8. Hernández B., J. (1965). "Insect pollination of cacao (Theobroma cacao L.) in Costa Rica" [Polinasyon ng kakaw (Theobroma cacao L.) ng mga insekto sa Kosta Rika] (sa wikang Ingles). University of Wisconsin. Inarkibo mula sa orihinal noong 4 Oktubre 2013. Nakuha noong 27 Nobyembre 2012.
  9. 1 2 Forbes, Samantha J.; Northfield, Tobin D. (26 Disyembre 2016). "Increased pollinator habitat enhances cacao fruit set and predator conservation" [Ang pagpapalawak ng tirahan ng mga polinisador ay nagpapahusay sa pagbuo ng bunga ng kakaw at sa konserbasyon ng mga mandaragit]. Ecological Applications (sa wikang Ingles). 27 (3): 887–899. doi:10.1002/eap.1491. PMID 28019052. S2CID 6858627.
  10. Bell, Katie K. "Cacao Cocktails: A New Tequila-Like Spirit Distilled from Cacao Fruit" [Mga Kaktel na Kakaw: Isang Bagong Alkohol na Mala-tequila na Distilado mula sa Prutas ng Kakaw]. Forbes (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 28 Abril 2015. Nakuha noong 17 Marso 2015.
  11. Martin, Carla D (Marso 9, 2020). "What Makes Chocolate "Good"?" [Ano ang "Nagpapasarap" sa Tsokolate?] (sa wikang Ingles). Peabody Museum of Archaeology and Ethnology. 19:35. Nakuha noong Pebrero 9, 2025 sa pamamagitan ni/ng YouTube.
  12. Wilson, Philip K. (2015). "Chocolate in Science, Nutrition and Therapy: A Historical Perspective". Mula sa Wilson, P.; Hurst, W. (mga pat.). Chocolate and Health: Chemistry, Nutrition and Therapy [Tsokolate at Kalusugan: Kimika, Nutrisyon at Terapiya] (sa wikang Ingles). Cambridge, UK: Royal Society of Chemistry. p. 18. ISBN 978-1-84973-912-2.
  13. "Cacao" [Kakaw] (sa wikang Ingles). Etymology Online Dictionary, Douglas Harper. 2018. Inarkibo mula sa orihinal noong 19 Agosto 2018. Nakuha noong 19 Agosto 2018.
  14. Coe, Sophie; Dalby, Andrew (2014). "Chocolate: Botany and early history". Mula sa Davidson, Alan; Jaine, Tom (mga pat.). The Oxford Companion to Food [Ang Gabay ng Oxford sa Pagkain] (sa wikang Ingles) (ika-3rd (na) labas). Oxford University Press. ISBN 9780199677337.
  15. "Crops and livestock products; Production quantities of Cocoa beans by country" [Mga pananim at produktong panghayop; Dami ng produksiyon ng mga butil ng kakaw ayon sa bansa] (sa wikang Ingles). United Nations Food and Agriculture Organization, Statistics Division (FAOSTAT). 2023. Nakuha noong 22 Mayo 2025.
  16. "A strategy to safeguard the future of chocolate" [Isang estratehiya upang pangalagaan ang kinabukasan ng tsokolate] (sa wikang Ingles). Bioversity International. Nakuha noong 9 Nobyembre 2012.{{cite web}}: CS1 maint: url-status (link)
  17. "Varieties" [Mga baryedad]. All about Chocolate (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2 Hulyo 2017. Nakuha noong 3 Hunyo 2017.
  18. Lanaud, Claire; Vignes, Hélène; Utge, José; Valette, Gilles; Rhoné, Bénédicte; atbp. (2024-03-07). "A revisited history of cacao domestication in pre-Columbian times revealed by archaeogenomic approaches" [Muling pagsusuri sa kasaysayan ng domestikasyon ng kakaw noong panahong pre-Kolumbiyano batay sa mga pamamaraang arkeohenomiko]. Scientific Reports (sa wikang Ingles). 14 (1): 2972. Bibcode:2024NatSR..14.2972L. doi:10.1038/s41598-024-53010-6. ISSN 2045-2322. PMC 10920634. PMID 38453955.
  19. "Branding Matters: The Success of Chuao Cocoa Bean" [Mahalaga ang Branding: Ang Tagumpay ng Chuao Cocoa Bean] (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 3 Marso 2017. Nakuha noong 3 Hunyo 2017.
  20. Ramírez Méndez, Luis Alberto (2015) El cultivo del cacao Venezolano desde Maruma.Scielo.Historia Caribe